Welcome to the jungle!
Click on the boxes on the right to view my blog, or do something good for mankind :)
meet the predator
call me jenie
born on 02/20/83 after my Dad & Mom drank beer and ate balut 9 months before
lives in Singapore, but always a Pinoy at heart
works as an advertising copywriter, but hates proofreading her blog entries
loves true friends, fake DVD's, alternative music, alcohol, sarcasm, boxing, hatha yoga, and House (the TV series,not the music genre)
loathes indifference, power trippers, narcissists, giant egos and bad breath
tries to live by the quote "Postpone death by living, by suffering, by error, by risking, by giving, by losing." by Anais Nin
pagtalon sa pagbabago
Sa aking opinyon, ang pagbabago ay ang pagyakap sa hinaharap at panandaliang/ tuluyang pagtalikod sa kinagisnan. Dalawa sa aking pinakamalapit na kaibigan ang kasalukuyang naghahanda para sa malaking pagbabago sa kanilang buhay. Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang dahilan kung bakit may taglay na lakas ng loob tahakin ang kinatatakutan ng karamihan.
PARA SA SARILING PAG-ASENSO
Ilang linggo na lang at aalis na sa bansa ang pinakamatalik kong kaibigan nung kolehiyo. Hindi man ganun kalaki ang pagkakaiba sa bansang lilipatan nya, isa pa rin itong magandang pagkakataon upang lumawak ang kanyang mga pananaw at pagkatao. Mahirap umalis lalo na kung may takot kang maiwan ang mahal mo sa buhay dito, ngunit kinakailangan rin upang masubukan ang tatag ng inyong samahan.
Maaaring hindi ko siya makikita ng matagal-tagal na panahon, pero hindi kailangang lumuha nang lubos. Kung ako ang nasa posisyon nya, hindi rin ako magdadalawang isip. Masaya ako para sa kanya dahil bagamat mahirap umalis, pinandigan niya ito para rin sa kanyang ikabubuti. Lilisan man sandali ang aking paboritong kausap at karamay sa bawat mahalagang nangyayari sa aking buhay, ngunit batid kong mananatili naman ang pagkakaibigan namin kahit saang lupalop man kami ng mundo naroon.
PARA SA PAG-IBIG AT SARILING PAMILYA
Ilang buwan na ring naghahanda ang isang malapit na kaibigan mula pa sa high school. Nakagigitla kung isipin ngunit hindi karaniwan sa mga ka-edad namin ang maghanda para sa isang okasyong pinapangarap ng maraming kababaihan. Bagamat halos isang taon ko nang alam ang kanilang planong magpakasal, hindi ko maiwasang umiling sa tuwing naaalalang tatalikuran nya ang buhay dito para sa kanyang nobyo sa ibang bansa. Nakagugulat ngunit mamayang gabi ay ipakikita nya na sa amin ang lahat ng mga napaghandaan niya at ng kanyang ina, para sa pag-iisang dibdib nila ng kanyang pinaka-unang nobyo.
Alam kong ang dahilan kung bakit ako gulat na gulat sa kanyang naging desisyon ay sa kadahilanang hindi pa kasama ang pag-aasawa sa mga balak kong gawin sa buhay sa susunod na 3 taon. Mahirap magsalita nang tapos ngunit hindi ko pa talaga lubos maisip ang pagiging asawa at lalo na, ang maging ina.
Kung tutuusin, nakabibilib ang mga taong tumatalikod sa luma dahil sa pag-asa ng panibagong buhay sa kabila. Hindi nila alam ang maaaring mangyari subalit tumatalon pa rin at pinaninindigan ang anumang desisyon. Bawat isa ay kailangang tumalon at sumubok ng ibang daan. Ngunit minsan, kailangan muna nating maghintay ng tamang panahon.
Tulad nila, marami rin akong daanang nais tahakin habang bata pa at nagliliyab pa ang damdaming umasenso at maging mas kumpleto. Subalit nasa panahon ako ng aking buhay kung saan kailangan ko munang maghintay at mahinog bago tuluyang sumabak sa mundong hindi ko alam. Nakakainip subalit alam kong mas makabubuti ito para sa akin. Batid kong matapos ang katahimikang ito ay may bubulaga sa 'king pagbabagong matagal ko nang kinasasabikan. At malilimutan ko na rin kung gaano ako katagal naghintay.
3:14 PM
Wednesday, July 26, 2006