Welcome to the jungle!
Click on the boxes on the right to view my blog, or do something good for mankind :)
meet the predator
call me jenie
born on 02/20/83 after my Dad & Mom drank beer and ate balut 9 months before
lives in Singapore, but always a Pinoy at heart
works as an advertising copywriter, but hates proofreading her blog entries
loves true friends, fake DVD's, alternative music, alcohol, sarcasm, boxing, hatha yoga, and House (the TV series,not the music genre)
loathes indifference, power trippers, narcissists, giant egos and bad breath
tries to live by the quote "Postpone death by living, by suffering, by error, by risking, by giving, by losing." by Anais Nin
malupit na hagupit
Simula ngayon, ang lahat ng mga reklamo tungkol sa trabaho ay isusulat ko sa ating sariling wika. Nalaman kasi ng isa kong kaopisina ang blog na ito dahil ginamit ko ang laptop nya nung unang linggo ko sa trabaho, at naaalala ito ng browser.
Tama na ang paligoy-ligoy, sisimulan ko na. Simula ng nakaraang linggo, mayroon akong sinusulat para sa isang ad na medyo kumplikado ang isyu. Tungkol ito sa pagbababawas ng isang lalagyang ginagamit natin sa pamimili. Maraming pasikut-sikot ang dinaanan namin bago matumbok ang gustong sabihin ng kliyente. Bawat bosing nalilito na rin at ako, isang hamak na empleyadong kelangan magsulat ng lahat ng sabihin nila, ay naiwang tulala na lang at puro sabaw na ang utak. Pabago-bago ang isip ng bawat isa. At lahat sila, ako ang kinukulit at binibigyan ng sakit ng ulo. Ganun ata talaga pag ikaw ang pinakabata at mas mababa ang posisyon. Sa totoo lang, sa sobrang dami ng pagbabagong pinapagawa para sa lintik na dalawang talatang kopya na yun, malapit ko na syang isali sa Guiness Book of World Records. Naka-labing isang ulit lang naman kami. Ganun kalupit. Kagabi ko lang naranasan ang matinding pagkasabaw ng utak habang kung sinu-sinong nagdidikta sa 'kin kung anong gagawin. Litong-lito at inis na inis na ko kasi isang napakadali sanang bagay ay nagiging kumplikado dahil lahat ng tao ay nagmamarunong at ang kliyente naman, hindi rin alam kung anong gusto nyang gawin. Kakaibang lahi sila, yun lang ang masasabi ko. Pero alam kong ang karanasang ito ay makakatulong sa pagpapatibay ng aking pagkatao. Natuto kong magtimpi kahit na hindi na talaga nakakatuwa ang nangyayari. Ni hindi ako nagpakita ng emosyon o pagkainis kahit na ilang beses na nila kong pinapaikot-ikot na parang trumpo. Sila ang dapat nag-uusap pero ako ang naiipit sa gitna. Para na nga kong robot na sulat na lang ng sulat kung ano mang sabihin nila, pero ang problema nga, magkakasalungat ang sinasabi ng bawat isa. Isang mensahe, isang libong interpretasyon. At ako ang sumasalo ng isang libong yun at kailangan kong malaman kung sino talaga ang susundin para matapos na ang punyetang ad na yun.
Umuwi akong kumikirot ang ulo ng alas-onse kagabi, pero mukhang hindi pa rin tapos ang laban. Hangad ko ay sumuko na ang kliyente nang makauwi naman ako nang maaga at makapag-boksing. Yun na nga lang ang nagpapasaya sa 'kin dito. Kasama ng sweldo kada buwan. Ang sweldong yun LANG ang nagtulak sa aking maging pasensyosa kagabi. Yun lang ang nagtulak sa 'king magtiis na para maging parang asong hinahabol ang sariling buntot at tuloy-tuloy na paikot-ikot na parang ulol. Iba talaga ang nagagawa ng pera. Pero minsan, napapagod na kong isipin na yun nga ang pinakamatinding dahilan kung bakit ako nagtitiis at kung bakit iniwan ko ang Pinas. Hindi naman talaga ako mukhang pera. Sa katunayan, isa ako sa mga pinaka-kuripot na taong nakilala ko. Haha. Pero totoo, hindi ako kasing luho ng iba. Sa katunayan, kinukuripot akong bumili ng bentilador para sa kwarto ko kahit kailangan ko. Hindi ko nga maintindihan kung bakit.
Yan lang muna ang masasabi ko. Nararamdaman ko na ang kaibahan ng pagtatrabaho dito. Iba ang sipag at dedikasyon nila at minsan mo lang maririnig magreklamo. Sila ang mga tipong sinasanto ang trabaho dahil ito ang nagbibigay sa kanila ng marangyang buhay. Kanya-kanya lang siguro talaga ng pakay yan. Sa Pilipinas, mas importante ang pagkakaroon ng oras para sa mga mahal sa buhay o pagkakaroon ng mahal sa buhay. Karamihan daw kasi ng mga tao dito ay hindi na nag-aasawa o nagkaka-anak dahil sa kakatrabaho. Dito, mas importante ang trabahong magbibigay ng pera para sa isang marangyang buhay. Hindi rin natin sila masisisi dahil pinalaki silang ganun at sa taas ng mga bilihin at taxes dito, kung gusto mong magkaroon ng komportableng buhay, kailangan mong kumayod at magbanat ng buto nang todo.
Masasabi kong mas kakayanin ko pa ang tambak na trabaho, pero para sa akin, hindi ito sapat para maibsan ang kalungkutan ko dito. Bago pa lang ako at kakaunti pa lang ang kakilala. Hindi pa sila mahilig lumabas o gumimik dahil siguro gusto rin nilang magpahinga na lang sa bahay pag may pagkakataon. Akala ko nung una, basta maraming trabaho, hindi na ko mapapaisip o hindi ko na maaalala ang tahanang iniwan ko. Hindi rin pala. Kabaligtaran pa nga minsan ang nangyayari.
O sya, tama na ang kadramahang ito. Kailangang tigilan na lang ang pagrereklamo at harapin ang sitwasyon. Magpasalamat pa nga dapat ako dahil nabigyan ako ng ganitong pagkakataon. Napakaraming Pilipino ang gustong makapagtrabaho dito. Pera lang rin ang pinaka-unang dahilan. Ngunit para sa isang tulad kong hindi naman maluho, walang asawa, at walang binubuhay na anak o pamilya, minsan napakahirap itatak sa kukute ko na iyon ang ang nagdala at magpapatagal sa akin dito. Para sa 'kin, isa lang itong matinding pagsubok na kailangan kong malampasan para patunayan sa sarili kong kaya kong gawin ang kinatatakutan ko, at kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa kahit mag-isa. Pero sa totoo lang, ilang araw nang nanghihina ang tuhod ko.
9:57 AM
Thursday, April 12, 2007