Welcome to the jungle!
Click on the boxes on the right to view my blog, or do something good for mankind :)
meet the predator
call me jenie
born on 02/20/83 after my Dad & Mom drank beer and ate balut 9 months before
lives in Singapore, but always a Pinoy at heart
works as an advertising copywriter, but hates proofreading her blog entries
loves true friends, fake DVD's, alternative music, alcohol, sarcasm, boxing, hatha yoga, and House (the TV series,not the music genre)
loathes indifference, power trippers, narcissists, giant egos and bad breath
tries to live by the quote "Postpone death by living, by suffering, by error, by risking, by giving, by losing." by Anais Nin
Maalaala Mo Kaya - OFW Chronicles Part 1
Dear Ate Charo,
Sa wakas at nakasulat rin ako sa inyo. Matagal-tagal ko na ring binabalak na ihayag ang aking mumunting kwento bilang isang OFW. Dahil na rin sa mga nangyari noong nakaraan mga araw, sa tingin ko ito na ang tamang panahon para humingi ng payo sa inyo.
Ngayong linggong ito, tahimik naman ang mundo sa opisina. Hindi ko malaman kung bakit pagkatapos bumait ng boss kong maligalig, may bago na namang mga problemang sumusubok sa akin. Ganun siguro talaga ang buhay. Hindi nauubusan ng problema para lagi kang may pinagkakaabalahan.
Una sa lahat, nabalitaan kong pupunta dito ang kapatid kong panganay. Masaya ako para sa kanya, syempre. Ako pa nga ang nagpadala sa kanya ng mga job opening at sinuwerte naman siyang makakuha ng mga interviews dito. Kaya rin mas napadali ang pag-alis nya ng Pilipinas. Noong Enero, siya ang huling taong makukumbinsi mong magtrabaho sa ibang bansa. Pero dahil sa mga naganap nung nakaraang buwan sa kanyang negosyo, kailangan nyang kumbinsihin ang sarili nyang tumahak sa landas na 'to para na rin sa kanyang pamilya. Buntis pa naman ang asawa niya sa kanilang pangalawang anak. At higit sa lahat, marami siyang kailangang bayaran. Sa palagay ko naman, madali syang makakakuha ng trabaho dito dahil magaling naman siyang arkitekto. Sa totoo lang, dapat matagal na nyang ginawa 'to at hindi pa kinailangang makita nya ang kanyang bunsong kapatid na sumabak sa ibayong dagat, para lang siya matauhan.
Hindi naman talaga problema ang pagpunta niya dito. Mas nababagabag ako sa ikalawa, dahil maliban sa aking kapatid, gusto na rin pumunta dito ng aking ina. Sinuwerte rin syang payagan ng kanyang kumpanya na magbenta ng bahay at lupa sa mga Pilipinong may balak mag-impok sa Pinas.Masaya rin naman ako para sa kanya, subalit nung malaman kong gusto nya nang pumunta dito sa lalong madaling panahon, nagulantang ako. Hindi naman sa masama akong anak, pero isa sa pinakamalaking rason kung bakit ako nakipagsapalaran dito ay para matutunan kong mamuhay mag-isa at para na rin lasapin ang kalayaang matagal ko nang inaasam-asam. At kapag kasama ko ang nanay ko dito, magiging prinsesa na naman ako dahil siya naman ang aako ng lahat ng gawaing-bahay. Isa pa, nadismaya rin ako dahil ang buong akala ko, malaya na ako ngunit mukhang mauudlot pa ang aking pangarap. Pero ano pa bang magagawa ko? Hindi ko naman pwedeng itaboy ang nanay ko dahil hindi ko rin naman sya matitiis. Pero masakit, Ate Charo. Hindi ko maipaliwanag sa iba, ngunit hindi talaga ako natutuwa sa mga nangyayari. Matapos kong lumuha ng mga isang tabo nung isang gabi, natanggap ko na lang na kailangan kong samantalahin ang bawat oras na pwede kong makasama ang nanay ko habang siya ay nabubuhay pa. Nag-iisa ko na lang siyang magulang, at dapat maging mabuting anak naman ako. Pero aaminin ko, mas mahirap talagang magpakabuti sa mundo.
At ikatlo, kailangan kong lumipat ng tirahan sa lalong madaling panahon. Ngayon nakikitira ako sa mag-nobyo kong mga kaibigan galing sa Pilipinas. Pero simula nung umuwi kaming lasing ng kaopisina ko, bagamt nag-iba na ang trato sa akin ng nobya niya dito. Wala naman akong ginawang masama, Ate Charo. Mabait naman akong kasambahay. Hindi naman ako nagkakalat at matipid rin ako sa kuryente. Sabi sa akin ng nobyo nya ilang araw matapos naming umuwing lasing, kailangan ko na daw lumipat dahil pupunta na dito ang kapatid ng nobya nya at maghahanap ng trabaho. Naniwala naman ako, Ate Charo. Ngunit tinanong ko rin sa kanya kung bakit parang nag-iba ang turing ng nobya nya sa akin. Hindi naman daw nya ito napansin. Alam kong hindi magandang umuwi ng lasing at nagsuka pa ko sa taxi at sa kalye, pero wala naman akong ginawang masama sa nobyo nya para siya mainis sa akin ng ganun. Hindi ko rin naman sigurado kung naiinis talaga siya, ngunit nananatili akong multo sa bahay na ito minsan. Tanggap ko na naman yun, Ate Charo. Ang mahirap lang ay ang maghanap ng lilipatan dahil mag-isa lang ako sa bansang ito at konti rin naman ang mga kakilala ko. Sana hindi na lang nila ako kinumbinsing tumira dito bago pa ako umalis ng Pinas. Ngunit sa totoo lang, nasasabik rin akong umalis. Iba rin kasi kapag pakiramdam mong hindi ka welcome sa bahay mong inuuwian. Bago na nga ako sa isang banyagang bansa, tapos ganun pa ang nararamdaman ko kapag nasa bahay. Pinagdarasal ko na lang na makahanap ako ng matinong matutuluyan. Umaasa rin ako na matutunan ko nang ituring bansang ito bilang aking bagong tahanan.
Isa na naman ito sa mga araw na tinatanong ko sa sarili ko kung tama ba itong tinahak kong landas. Mas mahirap na nga ang buhay kahit expat na dapat ang labas ko,ngunit mas malungkot pa rin dahil wala naman ang mahal mo sa buhay. Malungkot kaming dalawa ng aking sinta ngayong linggo. Hindi siya natanggap sa kumpanyang kumausap sa kanya nung nakaraan kaya mukhang matatagalan pa bago kami magkasama dito. Aaminin ko, masaya na rin ako dahil pursigido naman siyang makahanap ng trabaho. Para sa akin, napakalaking bagay na na gusto akong makasama ng aking nobyo nasaan man ako sa mundo. Nakakataba ng puso, Ate Charo. Siya ang isa sa mga dahilan kung bakit nagpapakatatag pa rin ako dito. Pero siya rin ang isa sa mga dahilan kung bakit nagsisisi ako minsan kung bakit pumunta pa ko dito. Pakiramdam ko minsan parang pinarusahan ko lang ang sarili ko at pati na rin ang aking mga naiwan sa Pilipinas.
Yun lang muna ang kwento ko, Ate Charo. Maraming Salamat sa iyong taos-pusong pagbabasa ng liham ko. Hanggang sa muli kong pagsulat. Mukhang marami-raming beses pa ako magbabahagi ng kwento sa 'yo. Ganito ata talaga ang mga nalulumbay na OFW.
Nagmamahal,
jenie
9:47 PM
Wednesday, May 23, 2007